BACK TO NORMAL ANG PRESYO NG SINGILAN SA KORYENTE | Pilipino Mirror Pilipino Mirror
Magkape Muna Tayo Ulit

BACK TO NORMAL ANG PRESYO NG SINGILAN SA KORYENTE

GAYA ng inaasahan, tumaas ang presyo ng koryente ngayong Pebrero 2019. Inanunsiyo ng Meralco kahapon na mula sa P9.84 kada kilowatthour noong nakaraang buwan, tumaas ito sa P10.41 kada kilowatthour ngayong Pebrero. Nangangahulugan ito ng karagdagang P114 sa isang tipikal na bahay na kumokonsumo ng 200kw kada buwan. Ang naging kabuuang pagtaas ay nasa halagang P0.57 kada kilowat-thour. Hindi naman pala kataasan.

Buti na lamang ay nagbigay na ang Me­ralco ng paunang paalala bago sumapit ang Pebrero. Noong nakaraang buwan kasi ay may pumasok na tila balik ba­yad o rebate na nagmula sa capacity fees na taon-taon nire-reconcile.  Ang sobrang outage allowance ay ibinawas sa presyo ng koryente kaya naging mababa ang presyo ng koryente noong buwan ng Ene­ro 2019. Ang epekto ng reconciliation na ito ay karaniwan talagang nadarama sa unang buwan ng taon. Ibig sabihin, pagdating ng Pebrero, magbabalik-normal ang presyo ng koryente gaya na lamang ng nangyari ngayon.

Maaaring masasabi natin na medyo kumplikado ang paliwanag sa pagtaas at pagbaba ng singil sa koryente. Ngunit ayon sa Meralco, ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng singil sa koryente ay ang generation charge. Mula kasi sa P4.92 kada kilowatthour noong nakaraang buwan, tumaas ito sa P5.89 kada kilowatthour ngayong Pebrero 2019. Halos piso ang itinaas ng presyo ng generation charge kaya hindi na rin kataka-taka na hinatak nito pataas ang kabuuang presyo ng koryente ngayong buwan kahit pa bumaba ang transmission charge. Samantalang ang distribution charge naman na si-yang bahagi ng ating bill na napupunta sa Meralco ay hindi pa rin nagbabago sa loob ng 43 buwan.

Malaki ang itinaas ng generation charge dahil nagbalik-normal na ang capacity fee mula sa mga planta ng kor­yente. Ang pagtaas na ito ay ayon naman sa mga power supply agreement (PSA) na aprubado ng Energy Regulatory Commission (ERC). Bukod dito, nakadagdag din ang tumaas na presyo ng koryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM). Ang pagtaas na ito ay umabot sa P1.41 kada kilowatthour. Nakaapekto ito sa presyo ng koryente dahil maraming mga planta ang pansamantalang huminto ng operasyon para sa kani-kanilang maintence.

Buti na lang at masigasig ang Meralco na magbigay ng paalala sa kanilang mga konsyumer ukol sa napipintong normalisasyon ng presyo ng koryente. Nawa’y na­ging masinop at matalino tayong mga konsyumer sa paggamit ng koryente na siyang papasok bilang bayarin ngayong Pebrero. Hindi na dapat mas­yadong nakagugulat ang nangyaring pagtaas dahil kahit paano ay dapat napaghandaan natin ito. Sabagay, sa kasaluku­yang lamig ng panahon ay nakatitipid tayo dahil hindi tayo gumagamit ng aircon o kaya electric fan.

Gaya ng karaniwang paalala ng Meralco, ipagpatuloy natin ang matalino at masinop na paggamit ng koryente upang makaiwas sa ‘bill shock’. Magtipid tayo ng koryente lalo na’t hindi magtatagal ay sasapit na naman ang panahon ng tag-init.

Please follow and like us:

POST A COMMENT

Your email address will not be published. Required fields are marked *

ADS