DURUGIN ANG TRANSNATIONAL DRUG SYNDICATES | Pilipino Mirror Pilipino Mirror
alex santos

DURUGIN ANG TRANSNATIONAL DRUG SYNDICATES

WALANG dudang sa mabilis na paggulong ng kampanya kontra droga ng administrasyon, ramdam ng mamamayan ang mga pagbabagong hatid nito.

Ngunit habang tumatagal, unti-unting na­ka­kalkal ang maraming isyung kaugnay ng ma­ruming kalakaran ng ipinagbabawal na gamot sa ating lipunan.

Maraming mga barangay sa buong bansa ang apektado ng droga.

Hindi na kataka-takang sangkaterbang pamilyang Filipino ang sangkot sa paggamit at pagbebenta ng bawal na gamot.

Maliban kasi sa natural na epekto ng pagka-adik, hindi na makawala ang mga durugista sa pagdepende sa illegal drugs lalo pa’t tinatayang aabot sa P50 bilyon ang sinasabing umiikot sa industriyang ito.

Sa kabila nga ng mabigat na banta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga sindikato, waring lalo pang bumabangis ang mga ito at hinahamon ang gobyerno.

Wala yata silang balak na tumigil kaya patuloy ang pagpasok ng shabu sa bansa at idinadaan pa raw mismo sa Port of Manila, paliparan, at nakalulusot sa inspeksiyon ng Bureau of Customs (BOC).

Bilyong pisong halaga ng shabu ang nakalulusot.

Katunayan, kamakailan ay nasabat ng BOC at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang P90 milyong halaga ng pinaghihinalaang shabu.

Nakalagay ito sa tatlong tambutso o muffler sa DHL warehouse sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sinuri ang shipment makaraang makita na kahina-hinala raw ito.

Sa panayam ng inyong lingkod sa programang RATSADA BALITA sa DWIZ 882, binanggit ni PDEA Director General Aaron Aquino na inupuan ng kanilang anti-narcotics dog ang kargamento.

Nang buksan nga raw ang package, dito na nadiskubre ang tatlong malalaking mufflers kung saan ikinubli ang 13.1 kilograms ng pinaniniwalaang shabu na nakasilid dito.

Sabi ni Aquino, noong Disyembre 23, 2018 pa raw dumating sa bansa ang shipment mula sa California, USA.

Nagduda na ang mga awtoridad nang wala nang mag-claim dito.

Kaya hinala ng PDEA Chief, mula sa Mexico at idinaan lamang sa US border ang shabu shipment.

Nananatili pa rin talagang malaking problema ang droga sa kabila ng maigting na kampanya laban dito.

Bagama’t naiibsan, parang wala pa ring pagbabago kahit araw-araw ay may nahuhuling drug suspects.

Bumabaha pa rin ang droga na parang agos na hindi mapigilan.

Mukhang totoo nga ang tinuran dati ni Pa­ngulong Duterte na kontrolado ng Bamboo triad at Sinaloa syndicate ang droga sa bansa. Ginagamit ng mga sindikato ang ating ‘container circuit’ para maipasok ang droga.

Nakikita natin na tila hindi sapat ang mga ‘pulis na aso’ o trained K9 dogs para sugpuin ito. Kailangan ng mga awtoridad ang mga modernong kagamitan.

Matagal na sanang natapos ang illegal drug ope­rations ng mga sindikato sa ating bansa. Kung mayroon nga lang daw tayong mga modernong armas, matagal nang naubos ang mga salot sa lipunan.

Gayunman, mas maganda siguro kung unahin munang linisin ang customs, immigration at iba pang law enforcement agencies bago bumili ng mga makabagong armas laban sa drug syndicates sapagkat nasa kamay ng mga nagpapatupad ng batas ang tagumpay ng  mga programa ng pamahalaan.

oOo

HAPPY VALENTINE’S SA LAHAT NG UMIIBIG! Si Alex Santos ay broadcaster sa mga programa ng DWIZ 882 tulad ng Ratsada Balita tuwing alas -6 ng umaga; IZ Ba­lita Nationwide Pang-umagang edisyon (7am-8am) at kasalukuyang host ng Public Service program sa PTV 4 ang KILOS PRONTO, tuwing alas-4 y medya hanggang alas-5 y medya ng gabi, Lunes hanggang Biyernes. ­Mapanono­od niyo rin ako sa PTV NEWS araw-araw dakong ala-6 ng gabi. Ipadala ang inyong komento at reaksiyon sa lupaxsantos1@yahoo.com o puwede niyo akong i-follow sa twitter account @iamalexsantos

Please follow and like us:

POST A COMMENT

Your email address will not be published. Required fields are marked *

ADS