ELEKSIYON 2019… GAME NA! | Pilipino Mirror Pilipino Mirror
Magkape Muna Tayo Ulit

ELEKSIYON 2019… GAME NA!

UMPISA na ngayong araw ang pormal na pa­ngangampanya para sa 2019 midterm elections. Ilang buwan din ang nakalipas kung saan ang mga aspir-anteng kandidato ay gumagawa ng kanya-kanyang gimik sa pagnanais na umakyat ang kanilang puwesto sa mga senatorial survey. Makikita ninyo sila sa mga malalaking billboard sa mga pangunahing lansangan. Ang mga may malalaking pondo ay pinasok ang TV at radio commercials. Mayroon pa nga riyan ay isinapelikula ang kanyang buhay. Hindi ko lamang alam kung kumita ito sa takilya. Patuloy ang ikot nila sa buong bansa. Ganoon din ang preparasyon ng mga aspiranteng kandidato sa mga lokal na posisyon. Nagkalat  ang kanilang mga tarpaulin at posters na bumabati ng “Happy Fiesta” at “Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon”.

Naka-iskedyul na ang mga iba’t ibang partido at samahang politikal ang kanilang pormal na pag-anunsiyo ng kanilang kampanya sa buong bansa. Ang senatorial slate ni Davao City Mayor Sara Duterte sa ilalim ng Partido Hugpong ng Pagbabago (HNP) ay gagawin ngayong araw sa San Fernando at Clark, Pampanga. Alam naman natin na ito ang baluarte ni House Speaker at dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Ang senatorial slate naman ng partido ni Pre­sident Rodrigo Duterte na PDP-Laban ay sasama rin sa HNP sa Pampanga. Ano kaya ang tawag natin dito? Koalisyon? Ang partido ni Sara Duterte ay iniendorso ang 13 senatoriables. Sila ay sina Senators Cynthia Villar, Aquilino Pimentel III, JV Ejercito at Juan Edgardo Angara. Ang mga dating senador na sina Jinggoy Estrada, Bong Revilla at Pia Cayetano. Kasama rin sa pag-endorso ay sina Magu-indanao Rep. Zajid Mangudadatu, Ilocos Norte Gov. Imee Marcos, dating hepe ng Philippine National Police na si Ronald “Bato” dela Rosa, dating Special Assistant to the President Bong Go, dating Presidential legal adviser Francis Tolentino at ang broadcast journalist na si Jiggy Manicad.

Sina Mangudadatu, Dela Rosa, Go, Pimentel at Tolentino ay tumatakbo rin sa ilalim ng PDP-Laban. Ang kanilang partido ay nakatakda rin na magkaroon ng hiwalay na pormal na pag-anunsiyo ng kanilang kampanya sa San Jose Del Monte, Bulacan sa ika-14 ng Pebrero (Huwebes), Araw ng mga Puso.

Ang oposisyon naman na “Otso Diretso” senatorial slate, isang koalisyon ng kontra sa administrasyon ni Duterte ay magkakaroon din ng campaign kick-off sa Caloocan City na siyang baluarte naman ni Rep. Edgar Erice ng Caloocan. Ang “Otso Diretso” na pinagungunahan ng Partido Liberal (LP). Kasama sa kanilang listahan ay sina Magdalo Rep. Gary Alejano, reelectionist Senator Bam Aquino, human rights lawyer Chel Diokno, civic leader Samira Gutoc, dating Solicitor General Florin Hilbay, election lawyer Romulo Macalintal, dating Deputy Speaker Erin Tañada at dating Interior Secre-tary Mar Roxas. May balita na hindi sisipot si Roxas sa Caloocan dahil siya ay nasa Roxas City, Capiz.

Ang grupong ‘Otso Diretso’ ay tutungo kinabukasan sa Naga City, Miyerkoles, kung saan itinuturing ito bilang baluarte ni Vice President Leni Robredo na nanalo noong nakaraang halalan sa ilalim ng LP.

Ang kasalukuyang nagunguna sa senatorial survey na si Senator Grace Poe, na tumatakbong independyente, ay mag-uumpisa ng kanyang kampanya sa pamamagitan ng isang school-feeding program bukas at may kick-off rally siya sa Tondo, Manila kinabukasan.

Ang representante ng mga militante na si Bayan Muna chairman Neri Colmenares, na tumatakbo sa ilalim ng Makabayang Koalisyon ng Mamama-yan ay dadayo naman sa bandang lugar ng University of the Philippines kasama ang mga militanteng estudyante at ilang mga propesor at magkakaroon ng proclamation rally sa Muntinlupa City sa bandang hapon.

Hayan. Mamili na tayo nang mabuti. May halos apat na buwan pa tayo upang pag-isipang mabuti kung sino sa kanila ang tunay na makatutulong upang umunlad ang ating bansa.

Huwag tayong bumoto sa mga kandidato na may bahid ng korupsiyon o kaya ang hangad ay ipasok ang baluktot na ideyalismo.

Please follow and like us:

POST A COMMENT

Your email address will not be published. Required fields are marked *

ADS