MAS MATAAS NA BUWIS SA YOSI | Pilipino Mirror Pilipino Mirror
alex santos

MAS MATAAS NA BUWIS SA YOSI

NAKALULUNGKOT isipin na hanggang ngayon, ang paninigarilyo, pag-inom ng alak, pagsusugal at paggamit ng droga ay ang mga pangunahin pa ring problemang kinakaharap ng mga mamamayan at higit sa lahat ng mga kabataang Filipino.

Isa ang pagyoyosi sa pinakamahirap na tanggalin na bisyo dahil ito ay nagsisimula pa lang sa mga kabataan na may edad na 10 o mas bata pa.

Iyan ang katotohanang hindi natin maaaring talikuran.

Nagiging kakambal pa nito ang pagsusugal na isa sa dahilan sa kahirapan ng mga mamamayang Filipino.

Tinatayang milyon-milyong tao naman ang namamatay taon-taon dahil sa sakit na nakukuha sa paninigarilyo.

Nakakikilabot na ang pagkaubos ng sangkatauhan ay dahil lamang sa bisyo.

Kaya nagkaroon ng Republic Act No. 10351 o ang Sin Tax Law at naging epektibo raw ito sa pangkalahatan dahil sa pagtaas sa buwis sa yosi para mabawasan ang mga naninigarilyo.

Itinuturing din na epektibo raw sa mga may bisyong pag-inom ng alak at paninigarilyo ang RA 10351.

Dahil nga raw sa pagtaas ng buwis, tumaas din ang presyo ng nabanggit na mga produkto.

Habang umiinog ang mga taon, mas dumarami pa ang bilang ng tumitigil sa bisyong ito.

Ngunit may mga matitigas pa rin talaga ang ulo.

Kaya nga, kasabay ng pag-usad ng Universal Health Care (UHC) bill, patuloy ang pa­ngungulit ng mga health advocate, sa pangunguna ni Dr. Tony Leachon, na taasan pa ang buwis sa yosi.

Kung tataas kasi ang tax ng sigarilyo, tiyak na tataas din ang presyo nito.

Sa sobrang taas ng bawat stick ng sigarilyo, tiyak na marami na ang magku-quit sa delikadong bisyo na ito.

Marami ang matutuwa sapagkat hindi na sila makalalanghap ng second-hand smoke at makahihinga na sila nang maluwag kahit saang lugar sila pu-munta.

Bukod dito, mai­liligtas din ng mataas na presyo ng sigarilyo ang mga kabataan na nalululong dito.

Siyempre, magagagamit din ang buwis sa mga nakamamatay na bisyo para sa pagbibigay ng libreng serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Fili-pino.

Hawak na rin daw pala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Senate Bill No. 1896 o “Universal Health Care for All Filipinos Act” at pirma na lang ni-ya ang kaila­ngan dito.

Sa pamamagitan nito’y maaari na raw magpagamot sa mga pampublikong pagamutan ang lahat ng mga Pinoy, maging sa mga pribadong ospital na accredited ng PhilHealth.

Kahit pa nga raw ang mga tambay ay makikinabang din sa UHC program ng gob­yerno sa oras na maging batas ang panukala.

Sa ganang akin, dapat nang lagdaan ng Pangulo ang UHC bill para mailigtas sa pagkakasakit ang lahat ng mamamayan.

Hindi isyu rito kung sino ang may-akda ng panukala o kung saang partido ito napapabilang.

Ang mas mahalaga’y malusog at ligtas sa pagkakasakit ang mga Pinoy.

oOo

Si Alex Santos ay broadcaster sa mga programa ng DWIZ 882 tulad ng Ratsada Balita tuwing alas-6 ng umaga; IZ Balita Nationwide Pang-umagang edisyon (7am-8am) at kasalukuyang host ng public service program sa PTV 4, ang KILOS PRONTO, tuwing alas-4 y medya hanggang alas-5 y medya ng gabi, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood ninyo rin ako sa PTV NEWS araw-araw dakong ala-6 ng gabi. Ipadala ang inyong komento at reaksiyon sa lupaxsantos1@yahoo.com o puwede ninyo akong i-follow sa twitter account @iamalexsantos.

 

Please follow and like us:

POST A COMMENT

Your email address will not be published. Required fields are marked *

ADS