PRRD, TAXI NG OFW PINABUBULOK NG LTFRB | Pilipino Mirror Pilipino Mirror
MASAlamin

PRRD, TAXI NG OFW PINABUBULOK NG LTFRB

ANG ATING pitak ngayon ay may kinalaman sa suliranin na idinulog sa atin ni Ginang Paz David, isang overseas Filipino worker, na bumili ng isang taxi upang makatuwang  sana niya sa pagbuhay sa kanyang mga mahal sa buhay habang siya naman ay naninilbihan sa ibang bansa.

Matagal din siyang nagpakakuba sa ibayong dagat para lamang matustusan ang kanyang pamilya na nasa Filipinas, at sa kanyang kaunting naipon, ipinundar niya ang salapi sa pagbili ng isang second-hand taxi sa pag-aakalang mababawasan ang kanyang pasanin sa pang-araw-araw na pa­ngangailangan ng kanyang pamilya.

Pagkabili niya sa nasabing taxi, siya ay puno ng pag-asang gagaan na ang kanyang pasanin at siya nga ay bumalik na sa kanyang pinagsisilbihan sa ibang bansa, ngunit ­ilang buwan pa lamang ang nakararaan ay nahuli ang driver ng kanyang taxi na kumuha ng mga pasahero sa lalawigan ng Bulacan noong Hulyo 26, 2018 at tinikitan na “out-of-line.” In-impound ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanyang taxi sa Pampanga. Hindi na rin nagpakita sa mga kaanak ng kawawang OFW ang driver ng taxi na siya namang may kasalanan kaya na-impound ang taxi.

Sa pamamagitan ng Facebook Messenger at ng isang kaanak ni Paz David ay idinulog sa akin ang pangyayaring ito. Willing naman ang OFW na bayaran lahat ng penalties kahit pa nga ang lahat ay dahil sa kasalanan ng drayber ng taxi na kumuha ng pasahero labas sa ruta na pinapayagan sa prang-kisa ng taxi na nabili ni ma’am Paz.

Ngunit mula Hulyo 2017 ay naghihintay ang mga kaanak ng summons mula sa LTFRB ngunit walang dumarating, kaya sa pag-aalala nila, ipinakiu-sap sa akin na maalalayan siya dahil siya nga ay nasa abroad at ang kanyang mga kaanak ay pawang may mga sakit na at may mga edad na para mag-follow-up pa sa LTFRB.

Makaraan nga ang tatlong buwan, noong Oktubre 25, 2018 ay pinuntahan ng inyong lingkod ang tanggapan ng LTFRB at doon napag-alaman ko na may Order na pala na hindi naman nalalaman ng pamilya ng OFW. Nag-request ako ng kopya at doon nalaman ko na pinagbabayad sila ng P120,000 ngunit hindi lamang ‘yun, sa Order ay isinasaad na ang revocation ng rehistro ng taxi at blacklisting ng sasakyan ni ma’am Paz na magamit pa bilang public utility vehicle, at revocation din ng Certificate of Public Convenience ng kanyang taxi.

Aba nakagugulat naman, ang violation lamang ng taxi ay out-of-line pero ang parusa ay sobra-sobra? Ibig sabihin pagbabayarin ang kawawang OFW ng P120,000 at maiuuwi nga ang sasak­yan ngunit hinubaran na ng prangkisa at blacklisted pa? Aba, sobra naman ata!

Agad ay inilapit ko sa isang kaibigang abugado ang kaso ng taxi ni ma’am Paz, na inapela naman ang desisyon ng LTFRB ukol sa taxi niya na may prangkisa naman at hindi kolorum, ni hindi naman din nakadisgrasya kundi dahil sa kagaguhan lamang ng drayber niya na kumuha ng pasahero labas sa lugar na nakadikta sa prangkisa ng taxi.

Ngunit Pebrero na po, Mr. President Duterte, ni hindi man lamang masilip ng mga kaanak ng OFW ang kanilang sasakyan na higit na kalahating ta-on na naka-impound at pinabu­bulok lamang ng LTFRB imbes na nakakatuwang sana ni ma’am Paz sa kanyang paghahanap-buhay.

Mukhang dapat na may gumulong ang ulo riyan sa LTFRB dahil malamang sa malamang ginagawa ng LTFRB ang ganyan hindi lamang kay ma’am Paz kundi sa marami pa nating mga kababayan. ‘Yang red tape na ‘yan ang mismong kina-mumuhian ng Pangulo! Hindi kayo titigilan ng pitak na ito!

Please follow and like us:

POST A COMMENT

Your email address will not be published. Required fields are marked *

ADS